Welcome to the Official Website of Bonifacio Camacho NHS–JHS

A public secondary school where learning, character, and service come together to prepare learners for the future.

BCNHS Program Banner

Hindi Naging Nars, Ngunit Naghilom ng mga Pangarap: Kuwento ng Isang Guro

LATHALAIN · BUHAY AT INSPIRASYON

Agam-agam at Agapay sa Silid ng Aplaya

Isang kuwento ng mga pangarap na nagbago, ng bokasyong natagpuan sa hindi inaasahang pagkakataon, at ng pusong nanatiling tapat sa pagtuturo.

Larawan para sa lathalain tungkol sa buhay at bokasyon ng isang guro ng BCNHS–JHS
Isang kuwento ng dedikasyon, pagsubok, at pagmamahal sa pagtuturo.

Sa bawat pagbaluktot ng tadhana, may mga paang hindi nagplano ngunit naging gabay sa paglalakbay ng iba.

I really love teaching, and I care deeply about my students.

ISANG PUSONG NAGLILINGKOD SA PAGTUTURO

Minsan, ang mga pinakadakilang bokasyon sa mundo ay hindi nagmumula sa mga planong isinulat sa bituin, kundi sa mga lamat ng pagkakataon.

01
UNANG YUGTO

Ang Pangarap na Nag-iba ng Landas

Sa mga mata ng isang kabataang katatapos pa lamang ng sekundarya, ang pangarap ay payak lamang: ang makatapos.

Naisip niya sanang maging isang nars, ngunit sa lipunang ang karalitaan ang madalas na nagtatakda ng hangganan, batid niyang hindi kayang maitaguyod ng kaniyang tatang ang ganoong kabigat na gastusin.

Sa paghahanap ng pintong kasya sa kaniyang limitadong kakayahan, napadpad siya sa Bataan National School of Arts and Trades (BNSAT), na kalauna'y naging bahagi ng ngayo'y Bataan Peninsula State University (BPSU).

Dito, sa pagitan ng mga pagpipilian, muling sumagi sa kaniyang alaala ang imahe ng kaniyang dating guro—isang tahimik na larawan ng inspirasyong nag-akay sa kaniya upang piliin ang Bachelor of Science in Industrial Education (BSIE).

Hindi niya pinili ang pagtuturo bilang unang pag-ibig, ngunit ang pagtuturo ang pumili sa kaniya upang maging silungan ng iba.

Mula sa pintong iyon na nagbukas, tuluyan niyang natagpuan ang bokasyong kaniyang mamahalin.

02
IKALAWANG YUGTO

Mga Taon ng Paglilingkod

Noong Setyembre 9, 2004, unang umalingawngaw ang kaniyang mga hakbang sa mga silid ng Bonifacio Camacho National High School bilang isang substitute teacher.

Apat na taon ang dumaan sa gitna ng pagsubok at pagpapatunay, hanggang noong Nobyembre 4, 2008, opisyal siyang naging permanenteng guro ng Kagawaran ng Edukasyon.

2004
Simula ng Paglilingkod Setyembre 9 · Substitute Teacher
2008
Permanenteng Pagtatalaga Nobyembre 4 · DepEd Teacher
2026
18 Taon sa Permanenteng Serbisyo Nobyembre 4 · Anibersaryo

Sa darating na Nobyembre 2026, sasapit ang kaniyang ikalabingwalong taon bilang permanenteng guro—mga taong inilaan sa paghubog ng mga kabataan, sa pagharap sa mga hamon, at sa pagbuhos ng kaniyang buhay sa bakurang matagal na niyang tinawag na pangalawang tahanan.

03
IKATLONG YUGTO

Sa Likod ng Pisara at mga Pagsubok

Subalit ang pag-akay sa kapwa ay may sarili nitong dusa at pasakit.

Nariyan ang hindi matapos-tapos na mga ulat at papel na kumakain sa kaniyang mga gabi.

Nariyan ang patuloy na paghahanap ng mga paraan upang abutin ang mga mag-aaral na nangangailangan ng higit na paggabay, at ang emosyonal na pagharap sa masalimuot na hinagpis at pag-uugali ng mga kabataang nawawalan ng direksiyon.

Ngunit hindi niya kailanman itinuring na mabigat na krus ang mga ito.

Sapagkat sa bawat estudyanteng dating nakatungo at lugami sa hirap ngunit ngayo'y tumatayo nang may sariling paninindigan, nararamdaman niya ang tunay na kahulugan ng kaniyang pag-iral.

Ang pagtuturo para sa kaniya ay hindi lamang pagpapasa ng dunong mula sa aklat.

Ito ay ang pag-aalay ng kalinga, pag-unawa, at tiwala na may halaga ang isang bata sa mundong mabilis manghusga.

ANG DIWA NG ISANG BOKASYON

Hindi man siya nagsuot ng puting uniporme ng isang nars upang magpagaling ng sugat ng katawan, naging guro naman siya upang maghilom ng lamat ng pangarap.

At hangga't may mga matang naghahanap ng kandili sa harap ng pisara, patuloy siyang tatayo—bitbit ang pusong inilaan para sa mga batang kailanman ay hindi niya itinuring na iba.

May mga pangarap na nagbabago ng landas upang maging ilaw sa pangarap ng iba.

Previous Post Next Post