Welcome to the Official Website of Bonifacio Camacho NHS–JHS

A public secondary school where learning, character, and service come together to prepare learners for the future.

BCNHS Program Banner

Mabuhay, Ibarra: Muling Sindihan ang Apoy ng Pagbabasa

EDITORYAL · PANITIKAN AT LITERASI

Mabuhay, Ibarra.

Sa panahong unti-unting nalilimutan ang halaga ng pagbabasa, sino ang muling magsisindi sa lampara ng karunungan?

BCNHS–JHS ✦ TINIG NG EDITORYAL
Ilustrasyong kasama sa editoryal na Mabuhay, Ibarra
Mabuhay, Ibarra — isang panawagang buhayin ang pagmamahal sa pagbabasa at panitikang Pilipino.

Hindi na nila kilala si Crisostomo Ibarra.

Pagbasa ang nagsilbing lamparang nagbibigay-liwanag sa masa noong panahong tayo ay nasa anino pa ng mga Kastila. Ito ang nagmulat sa mga mata ng bulag at nagbubulag-bulagan, ang nag-udyok sa pagbabago at paghahangad ng kalayaan.

Ngunit sa kasalukuyan, tila nanganganib humina ang apoy na sumisinag mula sa karunungan.

Sa dami ng mabilis at madaling libangan, nagiging hamon ang paghikayat sa mga kabataan na maglaan ng panahon sa pagbabasa ng mga aklat at panitikan.

Wala nang mananakop na kailangang labanan, ngunit may isa pang laban na hindi dapat talikuran: ang laban sa kamangmangan.

01

Ang Pagbabasa sa Gitna ng Pagbabago

Batay sa 2023 National Readership Survey ng National Book Development Board (NBDB), na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS), 47% lamang ng mga batang respondent ang nakapagbasa ng mga aklat na hindi kinakailangan sa paaralan sa nakalipas na labindalawang buwan.

Hindi ito nangangahulugang tuluyan nang tumalikod ang kabataan sa pagbabasa. Subalit malinaw na may hamong kailangang tugunan upang mapalawak ang kanilang interes at pagkakataong makabasa.

Sa pagbabasa ng panitikan, nakikilala natin ang kasaysayan, tradisyon, paniniwala, at karanasan ng sariling bayan. Sa bawat pahina, nabubuksan ang mga mundong hindi natin nararating at nauunawaan ang mga tinig na hindi natin karaniwang naririnig.

Hindi tayo dapat pumayag na tuluyang matabunan ang yamang ito. Sa halip, kailangan nating mag-ipon ng mga sangang muling magpapaliyab sa apoy ng pagbabasa.

Hindi sapat ang pagkilala sa pangalan ni Ibarra. Kailangang kilalanin din ang mga ideya, pangarap, at katotohanang kaniyang kinakatawan.

02

Kaibiganin si Ibarra, Unawain ang Akda

Crisostomo Ibarra. Pamilyar pakinggan. Siya ang isa sa mga pangunahing tauhan sa Noli Me Tangere ni Dr. José Rizal.

Maaaring kilala natin ang kaniyang pangalan, ngunit hanggang doon na lamang ba? Kilala ba natin ang kaniyang mga pangarap, mga paniniwala, at ang lipunang kaniyang kinaharap?

Ayon sa Programme for International Student Assessment (PISA) 2022, humigit-kumulang 24% lamang ng mga 15-anyos na mag-aaral sa Pilipinas ang nakamit ang hindi bababa sa Level 2, ang minimum na antas ng kasanayan sa pagbasa.

Isang mahalagang paalala ang resultang ito: hindi sapat ang marunong lamang bumasa; kailangang matutong umunawa, magsuri, at magbigay-kahulugan.

Sa pagbabasa ng mga akda ni Rizal, hindi lamang natin inaalala ang mga tauhan. Hinahamon din tayong suriin ang lipunan, ang ating mga paniniwala, at ang ating pananagutan bilang mamamayan.

Kaibiganin si Ibarra. Kilalanin natin siya.

03

Ang Mga Pahinang Naghihintay

Nag-iipon ng alikabok ang mga aklat. Patuloy na kumukupas ang mga pabalat na minsang nag-anyaya sa ating tumuklas ng bagong kaalaman.

Ipinakikita rin sa PISA 2022 na 22% lamang ng mga 15-anyos na mag-aaral sa Pilipinas ang nakamit ang batayang antas ng kasanayan sa malikhaing pag-iisip.

Bagama't magkaibang kasanayan ang pag-unawa sa binabasa at malikhaing pag-iisip, kapwa mahalaga ang mga ito sa paghubog ng kabataang may kakayahang magsuri, magtanong, at lumikha ng mga bagong ideya.

Huwag nating hayaang manatiling nakapinid ang mga aklat at mawalan ng pagkakataong maibahagi ang kanilang mga kuwento.

Ang panitikan ay hindi lamang alaala ng nakaraan. Ito ay salamin ng kasalukuyan at maaaring maging gabay sa hinaharap.

Ikalawang ilustrasyon para sa editoryal na Mabuhay, Ibarra
PANAWAGAN NG EDITORYAL

Buksan ang libro. Hanapin si Ibarra. Basahin ang kaniyang kuwento. At higit sa lahat, unawain ang kaniyang ipinaglalaban.

Bawal mamatay si Ibarra sa ating kamalayan habang mayroon pang mga kabataang handang matuto at magtanong.

Hindi natin dapat hayaang maputol ang ugnayan ng kasalukuyang henerasyon sa mga salitang nagmulat sa ating bayan.

Ang pagpapanumbalik ng kultura ng pagbabasa ay hindi lamang tungkulin ng paaralan. Pananagutan din ito ng mga magulang, guro, mag-aaral, at ng buong pamayanan.

Mabuhay, Ibarra.

Mabubuhay muli ang apoy. Magbabaga muli ang karunungan at kahusayan ng ating henerasyon.

May kumikislap-kislap pa sa lampara.

Ang pagbabasa ay hindi lamang pagbuklat ng mga pahina, kundi pagbubukas ng kamalayan.

BONIFACIO CAMACHO NATIONAL HIGH SCHOOL JUNIOR HIGH SCHOOL
Previous Post Next Post